"Pinoy ikaw ay pinoy Ipakita sa mundo Kung ano ang kaya mo Ibang-iba ang pinoy Wag kang matatakot Ipagmalaki mo pinoy ako Pinoy tayo" - Pinoy Ako by Orange and Lemons

Nangangamba na Ako Para Sa Eleksyon 2010

February 7, 2010

Nabasa ko na naman ang isang balitang ito mula sa Abante Online na may titulong “NATIONWIDE MOCK POLLS PUNO NG ABERYA Pasado pa rin — Comelec”:

Hindi nakaligtas sa mga aberya at salto ang 2-oras na mock elections na ikinasa kahapon ng Commission on Elections (Comelec) para subukan ang automated vo­ting at electronic transmittal ng mga boto mula sa piling lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon kay Comelec Chairman Jose Melo, karaniwan sa naging problema ay ang mga balotang isinusuka ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines.

Tulad aniya sa New Era Elementary School sa Tandang Sora, Quezon City kung saan tatlong botante ang nakaranas na i-reject ang naitimang (shaded) mga oblong sa balota.

Pero depensa ni Melo, ang kasong ito ay karaniwan lamang dahil ang tatlong ni-reject na balota at lukut-lukot at hindi maayos ang pagkaka-shade o pagkakaitim sa oblong sa tapat ng pangalan ng ibinobotong kandidato.

Sa ulat mula mismo sa New Era School ay lima ang na-reject na balota kaya’t sa 50 botante ay 45 lamang ang nabilang na boto.
Maliban sa Metro Manila, sinabi ni Melo na may mga kaso ring ganito sa Visayas at Mindanao.

Melo: Almost perfect!

Ngunit sa kabila nito, idineklara ng Comelec ang mock elections o subok na halalan na “almost perfect” o pasado sa panlasa ng publiko.

“Masasabi ko na almost perfect as what we are expecting. ‘Yung mga glitches, natural lamang ‘yun dahil ipinapaalala na naman natin sa mga botante na dapat properly shaded ang mga boto at kung maaari huwag namang lukutin ang balota bago isubo sa PCOS machines,” ani Melo.

Maliban sa ilang glit­ches, isa sa nakikitang problema ng Comelec ay ang hindi malawak na kaala­man ng mga botante kung papaano ang step-by-step na proseso ng pagboto sa ilalim ng automation.

Napilitan umano ang ilang Board of Election Inspector (BEI) na ideklarang void ang ilang balota dahil sa halip na itiman ay nilagyan ng “check” ng botante ang mga bilog.

Ipinagmalaki ni Melo na mistulang nabura sa kanilang pagkabahala ang ‘jamming scare’ o ang lumutang na planong isa­botahe ang electronic transmission ng mga boto mula sa polling precincts.

Inihalimbawa nito ang matagumpay na transmittal ng boto sa Taguig. Aniya kung noong nagsasagawa ng field testing ang Smartmatic at Comelec doon ay nagkaroon ng ilang ulit na aberya sa signal, sinabi nito na hindi ito nangyari kahapon.

Aberya sa voters’ list

Bagama’t ang Maharlika Elementary School sa Taguig ang kahuli-hulihang nagpadala ng resulta sa central server ng Comelec sa Comelec main office sa Intramuros, Maynila, hindi umano dahil may problema sa transmission kundi naantala ang pagbubukas at pagsasara ng polling precincts.

Pasado alas-nuwebe na nang buksan ang mock elections dito kaya nahuli sa transmission sa Natio­nal Board of Canvassers (NBC) bandang alas-11:00 ng umaga.

Dismayado ang mga napiling botante dahil ‘trial’ pa lamang ay nagkaaberya na sa voters’ list na siyang dahilan ng pagkakaantala ng pagsisimula na dapat ay alas-otso ng umaga para matapos ng alas-10:00.

Ultra-sensitive ang PCOS

Sa Baguio City, iniulat ni Comelec-CAR Regio­nal Election Director Atty. Julius Torres na walang anumang aberya sa mga PCOS machines maging sa transmission ng mga resulta mula sa itinalagang precinct level sa Pines City National High School at City Camp Youth Community Center.

Ayon naman kay Irene Buenaventura, reporter ng Bombo Radyo na pinalad na makalahok sa kunwa­ring botohan, mas madali ang bumoto ngayon dahil wala pang limang minuto ay nakalabas na ito sa precinct center at nakaboto na.

“Madali lang. Pero ultra-sensitive yata ‘yung mga machine dahil ‘yung sinusundan kong botante, nag-alangan yata sa pag-shade sa presidente niya kaya isinuka ng machine ‘yung balota niya. So, ang ginawa ng BEI, itinuloy na lang na i-shade pero ipinaliwanag na hindi na babasahin ‘yung dalawang shades para sa president,” ani Buenaventura.

Rizal panalo; MH Del Pilar segunda

Pangalan ng mga baya­ni ang ginamit na kandidato sa pagka-presidente at bise-presidente habang ang ibang kandidato sa national positions ay mga pangalan naman ng mga lokal na banda tulad ng Sponge Cola, Bamboo at iba pa.

Sa Davao City kung saan naroon si Commissioner Gregorio Larrazabal, nanalo sa praktis na halalan si Dr. Jose Rizal kontra sa mahigpit na nakalaban na si Marcelo H. Del Pilar.

Ayon sa datos, nakakuha si Rizal ng 118 boto habang si Del Pilar ay nagtala lamang ng 76 boto.

Samantala, ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, ang balota na ginamit sa mock elections ay kasing hugis at halos kapareho ng gagamiting opisyal na balota sa Mayo 10, maliban sa bahagyang pagpapaiksi rito ng ilang pulgada.

Ginawa ang pambansang mock elections sa Gen. Ricardo Papa Memorial High School sa Barangay Tuktukan, Tuktukan, Taguig City; Pines City National High School sa Palma St., Barangay City Camp Central at Community Youth Center sa Baguio City; Bulacao Community School sa Villa Manga, Bulacao at Mabini Elementary School sa Sitio Prope, Mabini, kapwa sa Cebu City; at Alejandra Navarro Elementary School sa Lasang, Davao City.

Source: Abante Online

Nang dahil dito ay nangangamba ako na baka magkatotoo ang mga pangamba ng ilang mambabatas at politiko na kung saan ay magkakaroon ng napakalaking gulo sa halalan at magdedeklara ng failure of election. Siguradong napakasakit sa ulo nito at malaking dagok sa bawat Filipinong patuloy na naghihikahos at nais sanang mabago ang buhay na ang pag-asa ay nakasalalay sa resulta ng eleksyon.

Hay sana nga ay mapatagumpayan at magampanan ng mabuti ng COMELEC ang kanilang tungkulin. Sayang naman kung hindi dahil malaki na rin ang gastos ng gobyerno dito upang mapadali, mapabilis at magkaroon ng matuwid at malinis na halalan. Hay nako ako patuloy pa ring magsusulat ng mga magagandang balita upang ipangalandakan sa bawat tao sa buong mundo kung gano katotoo ang sigaw na “sikat ang pinoy” kahit kailanman, kahit saan!

Posted by sikatangpinoy at 7:49 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment