"Pinoy ikaw ay pinoy Ipakita sa mundo Kung ano ang kaya mo Ibang-iba ang pinoy Wag kang matatakot Ipagmalaki mo pinoy ako Pinoy tayo" - Pinoy Ako by Orange and Lemons

Pinoy Power 3 aka Latin Fury 13 - Nangingig Na Ako sa Sobrang Excitement

February 13, 2010

Ano kaya ang mangyayari bukas? Sino kaya ang mananalo? Magtatagumpay kaya ang mga pinoy na mga boksingero? Kinakabahan na ako at hindi maintindihan ang nararamdaman ko para sa darating na laban ng mga pinoy bukas sa Pinoy Power 3 o kilala sa international na bansag na Latin Fury 13. Haharapin nila ang mga magagaling at malalaking Mexicanong boksingero. Malaki kasi tingnan mo yung height ng makakalaban ni Gerry Penalosa, langya ang taas at ang reach grabe ang haba. Ewan ko kung lalabas pa dito ang magic ni Gerry. Makakaya niya kaya ito, e kung mapapatumba niya ang mas malaki na kalaban e mantakin mo lalong sisikat ang pinoy.

Panoorin ko ito bukas sa kapamilya channel at kung hindi naman sa Internet. Andami yatang pwedeng lugar na mapanood yun, i-search ko lang ang watch pinoy power 3 o watch latin fury 13 siguradong meron noon. Kung wala e di sa TV ulit pero mas maganda kung sa PC ko kasi para habang nanood ako nagpe-facebook ako at nagbablog. Weeh, “sabik na ako!” Hoy wag kang mag-isip ng bastos ang ibig kong sabihin e excited na ako dahil sa bakbakan bukas! PeacE!

Posted by sikatangpinoy at 4:43 pm | permalink | Add comment

Sikat Ang Pusong Pinoy sa Araw Ng Mga Puso

Alam niyo ba kung bakit tayong mga pinoy ang isa sa mga pinakamasayang nilalang sa buong Asya (yun ay ayon sa isang survey tungkol sa mga pinakamasayang tao sa buong mundo)? Ito ay dahil sa kakaibang uri ng pagpapahayag at pagpaparamdam ng pag-ibig ng mga pinoy sa kanilang mga “parkner” o mga minamahal. Oo, ibang-iba ang romansang pinoy! Makikita mo kung ga-ano ka-sweet o karomantiko ang mga Filipino. Dadalhan ka nito ng rosas o kaya naman e tsokolate. May dala pa itong awiting kundiman o kaya naman modern na love song kahit hindi magandang pakinggan. Mga baduy na words katulad ng “ikaw ang lahat sa akin” at “you complete me” na masarap pakinggan kung ikaw ang pinagsasabihan.

Isa pa ay may ugali ang pinoy na pananatilihin ang relasyon kahit sa kabila ng mga problema. Aayusin ito hanggang sa makakaya pa at kung mapag-uusapan ay gagawan ng mga solusyon. Dahil para sa pusong pinoy, importante ang pagsasamasama ng pamilya. Pusong pinoy, sikat ang pilipino! Ikaw sa tingin mo bakit unique ang pusong pinoy?

Posted by sikatangpinoy at 8:47 am | permalink | Add comment

Sakit ng Ulo Ko

February 10, 2010

Ang sakit sakit ng ulo ko ngayon. Hindi dahil sa trabaho o sa gutom. Dahil sa nahihirapan na ako sa pagpili kung sino ang aking bobotohin sa darating na eleksyon ngayong Mayo. ‘Langya kasi halos lahat ng mga kandidato ay parang magagaling. Parang! :)

Kaya ang ginawa ko naghanap ako  ng online poll sa internet at meron naman akong nakita. Nandoon sa Sikat Ang Pinoy na balitang website. Ang tanong ng poll e: Sino daw ang bobotohin ng Pinoy na Presidente? Ngayon kokonti pa lang ang lumalahok sa nasabing survey kung kaya’t babalikan ko yon at aamuyin ko kung sino ang gusto ng mga tao at baka makapagdesisyon na rin ako.

Hay nako, umpisa na ng kampanya at siguradong dudumi na naman ang daanan sa mga poster at banner ng mga kandidato. Tsk sana magbago na ang bansa at maging maayos ang lahat pagkatapos na mapalitan ang mga opisyal.

Posted by sikatangpinoy at 4:18 pm | permalink | Add comment

Nangangamba na Ako Para Sa Eleksyon 2010

February 7, 2010

Nabasa ko na naman ang isang balitang ito mula sa Abante Online na may titulong “NATIONWIDE MOCK POLLS PUNO NG ABERYA Pasado pa rin — Comelec”:

Hindi nakaligtas sa mga aberya at salto ang 2-oras na mock elections na ikinasa kahapon ng Commission on Elections (Comelec) para subukan ang automated vo­ting at electronic transmittal ng mga boto mula sa piling lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon kay Comelec Chairman Jose Melo, karaniwan sa naging problema ay ang mga balotang isinusuka ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines.

Tulad aniya sa New Era Elementary School sa Tandang Sora, Quezon City kung saan tatlong botante ang nakaranas na i-reject ang naitimang (shaded) mga oblong sa balota.

Pero depensa ni Melo, ang kasong ito ay karaniwan lamang dahil ang tatlong ni-reject na balota at lukut-lukot at hindi maayos ang pagkaka-shade o pagkakaitim sa oblong sa tapat ng pangalan ng ibinobotong kandidato.

Sa ulat mula mismo sa New Era School ay lima ang na-reject na balota kaya’t sa 50 botante ay 45 lamang ang nabilang na boto.
Maliban sa Metro Manila, sinabi ni Melo na may mga kaso ring ganito sa Visayas at Mindanao.

Melo: Almost perfect!

Ngunit sa kabila nito, idineklara ng Comelec ang mock elections o subok na halalan na “almost perfect” o pasado sa panlasa ng publiko.

“Masasabi ko na almost perfect as what we are expecting. ‘Yung mga glitches, natural lamang ‘yun dahil ipinapaalala na naman natin sa mga botante na dapat properly shaded ang mga boto at kung maaari huwag namang lukutin ang balota bago isubo sa PCOS machines,” ani Melo.

Maliban sa ilang glit­ches, isa sa nakikitang problema ng Comelec ay ang hindi malawak na kaala­man ng mga botante kung papaano ang step-by-step na proseso ng pagboto sa ilalim ng automation.

Napilitan umano ang ilang Board of Election Inspector (BEI) na ideklarang void ang ilang balota dahil sa halip na itiman ay nilagyan ng “check” ng botante ang mga bilog.

Ipinagmalaki ni Melo na mistulang nabura sa kanilang pagkabahala ang ‘jamming scare’ o ang lumutang na planong isa­botahe ang electronic transmission ng mga boto mula sa polling precincts.

Inihalimbawa nito ang matagumpay na transmittal ng boto sa Taguig. Aniya kung noong nagsasagawa ng field testing ang Smartmatic at Comelec doon ay nagkaroon ng ilang ulit na aberya sa signal, sinabi nito na hindi ito nangyari kahapon.

Aberya sa voters’ list

Bagama’t ang Maharlika Elementary School sa Taguig ang kahuli-hulihang nagpadala ng resulta sa central server ng Comelec sa Comelec main office sa Intramuros, Maynila, hindi umano dahil may problema sa transmission kundi naantala ang pagbubukas at pagsasara ng polling precincts.

Pasado alas-nuwebe na nang buksan ang mock elections dito kaya nahuli sa transmission sa Natio­nal Board of Canvassers (NBC) bandang alas-11:00 ng umaga.

Dismayado ang mga napiling botante dahil ‘trial’ pa lamang ay nagkaaberya na sa voters’ list na siyang dahilan ng pagkakaantala ng pagsisimula na dapat ay alas-otso ng umaga para matapos ng alas-10:00.

Ultra-sensitive ang PCOS

Sa Baguio City, iniulat ni Comelec-CAR Regio­nal Election Director Atty. Julius Torres na walang anumang aberya sa mga PCOS machines maging sa transmission ng mga resulta mula sa itinalagang precinct level sa Pines City National High School at City Camp Youth Community Center.

Ayon naman kay Irene Buenaventura, reporter ng Bombo Radyo na pinalad na makalahok sa kunwa­ring botohan, mas madali ang bumoto ngayon dahil wala pang limang minuto ay nakalabas na ito sa precinct center at nakaboto na.

“Madali lang. Pero ultra-sensitive yata ‘yung mga machine dahil ‘yung sinusundan kong botante, nag-alangan yata sa pag-shade sa presidente niya kaya isinuka ng machine ‘yung balota niya. So, ang ginawa ng BEI, itinuloy na lang na i-shade pero ipinaliwanag na hindi na babasahin ‘yung dalawang shades para sa president,” ani Buenaventura.

Rizal panalo; MH Del Pilar segunda

Pangalan ng mga baya­ni ang ginamit na kandidato sa pagka-presidente at bise-presidente habang ang ibang kandidato sa national positions ay mga pangalan naman ng mga lokal na banda tulad ng Sponge Cola, Bamboo at iba pa.

Sa Davao City kung saan naroon si Commissioner Gregorio Larrazabal, nanalo sa praktis na halalan si Dr. Jose Rizal kontra sa mahigpit na nakalaban na si Marcelo H. Del Pilar.

Ayon sa datos, nakakuha si Rizal ng 118 boto habang si Del Pilar ay nagtala lamang ng 76 boto.

Samantala, ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, ang balota na ginamit sa mock elections ay kasing hugis at halos kapareho ng gagamiting opisyal na balota sa Mayo 10, maliban sa bahagyang pagpapaiksi rito ng ilang pulgada.

Ginawa ang pambansang mock elections sa Gen. Ricardo Papa Memorial High School sa Barangay Tuktukan, Tuktukan, Taguig City; Pines City National High School sa Palma St., Barangay City Camp Central at Community Youth Center sa Baguio City; Bulacao Community School sa Villa Manga, Bulacao at Mabini Elementary School sa Sitio Prope, Mabini, kapwa sa Cebu City; at Alejandra Navarro Elementary School sa Lasang, Davao City.

Source: Abante Online

Nang dahil dito ay nangangamba ako na baka magkatotoo ang mga pangamba ng ilang mambabatas at politiko na kung saan ay magkakaroon ng napakalaking gulo sa halalan at magdedeklara ng failure of election. Siguradong napakasakit sa ulo nito at malaking dagok sa bawat Filipinong patuloy na naghihikahos at nais sanang mabago ang buhay na ang pag-asa ay nakasalalay sa resulta ng eleksyon.

Hay sana nga ay mapatagumpayan at magampanan ng mabuti ng COMELEC ang kanilang tungkulin. Sayang naman kung hindi dahil malaki na rin ang gastos ng gobyerno dito upang mapadali, mapabilis at magkaroon ng matuwid at malinis na halalan. Hay nako ako patuloy pa ring magsusulat ng mga magagandang balita upang ipangalandakan sa bawat tao sa buong mundo kung gano katotoo ang sigaw na “sikat ang pinoy” kahit kailanman, kahit saan!

Posted by sikatangpinoy at 7:49 pm | permalink | Add comment

Go Wesley So sa Aeroflot 2010

February 4, 2010

Grabe talaga tong batang-batang pinoy na GM na si Wesley So! Hamakin mo ba namang katatapos lamang niyang maglaro sa nakaraang Corus 2010 chess tournament e, lalaban na naman siya sa Aeroflot 2010 sa Russia. Mantakin mo nga naman ang sipag ng batang ito na sumikat ng husto sa larangan ng ahedres o chess pagkatapos niyang patumbahin ang mga super star na chess mula sa iba’t ibang bansa.

Talaga namang kahanga hanga ang pinoy na’to na patuloy na nagbibigay inspirasyon sa mga manlalaro ng Pilipinas. Sana nga ay palarin ka at maging bahagi ng kasaysayan na kauna-unahang pinoy na super GM, isang titulo na wala pa ni isa sa mga pinoy na chess player na nakamit. Mabuhay ka So!

Posted by sikatangpinoy at 4:14 pm | permalink | Add comment

Boksing Laban Pinoy versus Mexicano at Puerto Rican - Pinoy Power 3

February 1, 2010

Malapit na Ang Pinoy Power 3! Ito ang nabasa ko sa Sikat Ang Pinoy latest sports news. Ang ikatlong bahagi ng boxing showdown ng pinoy laban sa mga boksingero ng ibang bansa katulad ng Mexico at Puerto Rico. Ang laban ay pangungunahan ng pinoy na kampeon na si Nonito Donaire Jr. at Gerson Guerrero ng Mexico na kung saan ay gaganapin sa Las Vegas sa Pebrero 13 (katorse sa Pilipinas). Ang nasabing laban ay gaganapin bilang pagdepensa ni Donaire sa kanyang titulo na WBA (World Boxing Association) interim super flyweight champion.

Samantala, tatlo pa sa mga pinoy ang magpapakitang gilas. Sila sina Bernabe Concepcion na lalaban kay Mario Santiago ng Puerto Rico, ang beteranong Filipinong kampeon na si Gerry Peñalosa ay susubok maqualify para sa bantamweight title laban kay Eric Morel ng Puerto Rico at si Ciso Morales laban kay Eric Montiel ng Mexico.

Siguradong umaatikabong bakbakan na naman ito ng mga mahuhusay na manlalaban ng mundo. Panonoorin ko ‘to sigurado sa tingin ko mas hihigitan pa ng Pinoy Power 3 ang nakaraan boxing event na’to at talagang sisikat ang pinoy nito ng husto.

Posted by sikatangpinoy at 5:40 pm | permalink | Add comment

Mainit na Mga Balita

Sikat ang Pinoy!

Sponsored Links

Tungkol Sa'kin

Ako ay isang Pinoy, sa isip, sa salita at sa gawa. Ako ay namulat sa iba't ibang kagawian at paniniwala na sa Pilipinas lamang matatagpuan at mararanasan. Ikinararangal ko ang lahi ko at bayan ko.

Subscribe

Technorati
Bloglines