"Pinoy ikaw ay pinoy Ipakita sa mundo Kung ano ang kaya mo Ibang-iba ang pinoy Wag kang matatakot Ipagmalaki mo pinoy ako Pinoy tayo" - Pinoy Ako by Orange and Lemons

Pinoy Power 3 aka Latin Fury 13 - Nangingig Na Ako sa Sobrang Excitement

February 13, 2010

Ano kaya ang mangyayari bukas? Sino kaya ang mananalo? Magtatagumpay kaya ang mga pinoy na mga boksingero? Kinakabahan na ako at hindi maintindihan ang nararamdaman ko para sa darating na laban ng mga pinoy bukas sa Pinoy Power 3 o kilala sa international na bansag na Latin Fury 13. Haharapin nila ang mga magagaling at malalaking Mexicanong boksingero. Malaki kasi tingnan mo yung height ng makakalaban ni Gerry Penalosa, langya ang taas at ang reach grabe ang haba. Ewan ko kung lalabas pa dito ang magic ni Gerry. Makakaya niya kaya ito, e kung mapapatumba niya ang mas malaki na kalaban e mantakin mo lalong sisikat ang pinoy.

Panoorin ko ito bukas sa kapamilya channel at kung hindi naman sa Internet. Andami yatang pwedeng lugar na mapanood yun, i-search ko lang ang watch pinoy power 3 o watch latin fury 13 siguradong meron noon. Kung wala e di sa TV ulit pero mas maganda kung sa PC ko kasi para habang nanood ako nagpe-facebook ako at nagbablog. Weeh, “sabik na ako!” Hoy wag kang mag-isip ng bastos ang ibig kong sabihin e excited na ako dahil sa bakbakan bukas! PeacE!

Posted by sikatangpinoy at 4:43 pm | permalink | Add comment

Sikat Ang Pusong Pinoy sa Araw Ng Mga Puso

Alam niyo ba kung bakit tayong mga pinoy ang isa sa mga pinakamasayang nilalang sa buong Asya (yun ay ayon sa isang survey tungkol sa mga pinakamasayang tao sa buong mundo)? Ito ay dahil sa kakaibang uri ng pagpapahayag at pagpaparamdam ng pag-ibig ng mga pinoy sa kanilang mga “parkner” o mga minamahal. Oo, ibang-iba ang romansang pinoy! Makikita mo kung ga-ano ka-sweet o karomantiko ang mga Filipino. Dadalhan ka nito ng rosas o kaya naman e tsokolate. May dala pa itong awiting kundiman o kaya naman modern na love song kahit hindi magandang pakinggan. Mga baduy na words katulad ng “ikaw ang lahat sa akin” at “you complete me” na masarap pakinggan kung ikaw ang pinagsasabihan.

Isa pa ay may ugali ang pinoy na pananatilihin ang relasyon kahit sa kabila ng mga problema. Aayusin ito hanggang sa makakaya pa at kung mapag-uusapan ay gagawan ng mga solusyon. Dahil para sa pusong pinoy, importante ang pagsasamasama ng pamilya. Pusong pinoy, sikat ang pilipino! Ikaw sa tingin mo bakit unique ang pusong pinoy?

Posted by sikatangpinoy at 8:47 am | permalink | Add comment

Sakit ng Ulo Ko

February 10, 2010

Ang sakit sakit ng ulo ko ngayon. Hindi dahil sa trabaho o sa gutom. Dahil sa nahihirapan na ako sa pagpili kung sino ang aking bobotohin sa darating na eleksyon ngayong Mayo. ‘Langya kasi halos lahat ng mga kandidato ay parang magagaling. Parang! :)

Kaya ang ginawa ko naghanap ako  ng online poll sa internet at meron naman akong nakita. Nandoon sa Sikat Ang Pinoy na balitang website. Ang tanong ng poll e: Sino daw ang bobotohin ng Pinoy na Presidente? Ngayon kokonti pa lang ang lumalahok sa nasabing survey kung kaya’t babalikan ko yon at aamuyin ko kung sino ang gusto ng mga tao at baka makapagdesisyon na rin ako.

Hay nako, umpisa na ng kampanya at siguradong dudumi na naman ang daanan sa mga poster at banner ng mga kandidato. Tsk sana magbago na ang bansa at maging maayos ang lahat pagkatapos na mapalitan ang mga opisyal.

Posted by sikatangpinoy at 4:18 pm | permalink | Add comment

Nangangamba na Ako Para Sa Eleksyon 2010

February 7, 2010

Nabasa ko na naman ang isang balitang ito mula sa Abante Online na may titulong “NATIONWIDE MOCK POLLS PUNO NG ABERYA Pasado pa rin — Comelec”:

Hindi nakaligtas sa mga aberya at salto ang 2-oras na mock elections na ikinasa kahapon ng Commission on Elections (Comelec) para subukan ang automated vo­ting at electronic transmittal ng mga boto mula sa piling lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon kay Comelec Chairman Jose Melo, karaniwan sa naging problema ay ang mga balotang isinusuka ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines.

Tulad aniya sa New Era Elementary School sa Tandang Sora, Quezon City kung saan tatlong botante ang nakaranas na i-reject ang naitimang (shaded) mga oblong sa balota.

Pero depensa ni Melo, ang kasong ito ay karaniwan lamang dahil ang tatlong ni-reject na balota at lukut-lukot at hindi maayos ang pagkaka-shade o pagkakaitim sa oblong sa tapat ng pangalan ng ibinobotong kandidato.

Sa ulat mula mismo sa New Era School ay lima ang na-reject na balota kaya’t sa 50 botante ay 45 lamang ang nabilang na boto.
Maliban sa Metro Manila, sinabi ni Melo na may mga kaso ring ganito sa Visayas at Mindanao.

Melo: Almost perfect!

Ngunit sa kabila nito, idineklara ng Comelec ang mock elections o subok na halalan na “almost perfect” o pasado sa panlasa ng publiko.

“Masasabi ko na almost perfect as what we are expecting. ‘Yung mga glitches, natural lamang ‘yun dahil ipinapaalala na naman natin sa mga botante na dapat properly shaded ang mga boto at kung maaari huwag namang lukutin ang balota bago isubo sa PCOS machines,” ani Melo.

Maliban sa ilang glit­ches, isa sa nakikitang problema ng Comelec ay ang hindi malawak na kaala­man ng mga botante kung papaano ang step-by-step na proseso ng pagboto sa ilalim ng automation.

Napilitan umano ang ilang Board of Election Inspector (BEI) na ideklarang void ang ilang balota dahil sa halip na itiman ay nilagyan ng “check” ng botante ang mga bilog.

Ipinagmalaki ni Melo na mistulang nabura sa kanilang pagkabahala ang ‘jamming scare’ o ang lumutang na planong isa­botahe ang electronic transmission ng mga boto mula sa polling precincts.

Inihalimbawa nito ang matagumpay na transmittal ng boto sa Taguig. Aniya kung noong nagsasagawa ng field testing ang Smartmatic at Comelec doon ay nagkaroon ng ilang ulit na aberya sa signal, sinabi nito na hindi ito nangyari kahapon.

Aberya sa voters’ list

Bagama’t ang Maharlika Elementary School sa Taguig ang kahuli-hulihang nagpadala ng resulta sa central server ng Comelec sa Comelec main office sa Intramuros, Maynila, hindi umano dahil may problema sa transmission kundi naantala ang pagbubukas at pagsasara ng polling precincts.

Pasado alas-nuwebe na nang buksan ang mock elections dito kaya nahuli sa transmission sa Natio­nal Board of Canvassers (NBC) bandang alas-11:00 ng umaga.

Dismayado ang mga napiling botante dahil ‘trial’ pa lamang ay nagkaaberya na sa voters’ list na siyang dahilan ng pagkakaantala ng pagsisimula na dapat ay alas-otso ng umaga para matapos ng alas-10:00.

Ultra-sensitive ang PCOS

Sa Baguio City, iniulat ni Comelec-CAR Regio­nal Election Director Atty. Julius Torres na walang anumang aberya sa mga PCOS machines maging sa transmission ng mga resulta mula sa itinalagang precinct level sa Pines City National High School at City Camp Youth Community Center.

Ayon naman kay Irene Buenaventura, reporter ng Bombo Radyo na pinalad na makalahok sa kunwa­ring botohan, mas madali ang bumoto ngayon dahil wala pang limang minuto ay nakalabas na ito sa precinct center at nakaboto na.

“Madali lang. Pero ultra-sensitive yata ‘yung mga machine dahil ‘yung sinusundan kong botante, nag-alangan yata sa pag-shade sa presidente niya kaya isinuka ng machine ‘yung balota niya. So, ang ginawa ng BEI, itinuloy na lang na i-shade pero ipinaliwanag na hindi na babasahin ‘yung dalawang shades para sa president,” ani Buenaventura.

Rizal panalo; MH Del Pilar segunda

Pangalan ng mga baya­ni ang ginamit na kandidato sa pagka-presidente at bise-presidente habang ang ibang kandidato sa national positions ay mga pangalan naman ng mga lokal na banda tulad ng Sponge Cola, Bamboo at iba pa.

Sa Davao City kung saan naroon si Commissioner Gregorio Larrazabal, nanalo sa praktis na halalan si Dr. Jose Rizal kontra sa mahigpit na nakalaban na si Marcelo H. Del Pilar.

Ayon sa datos, nakakuha si Rizal ng 118 boto habang si Del Pilar ay nagtala lamang ng 76 boto.

Samantala, ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, ang balota na ginamit sa mock elections ay kasing hugis at halos kapareho ng gagamiting opisyal na balota sa Mayo 10, maliban sa bahagyang pagpapaiksi rito ng ilang pulgada.

Ginawa ang pambansang mock elections sa Gen. Ricardo Papa Memorial High School sa Barangay Tuktukan, Tuktukan, Taguig City; Pines City National High School sa Palma St., Barangay City Camp Central at Community Youth Center sa Baguio City; Bulacao Community School sa Villa Manga, Bulacao at Mabini Elementary School sa Sitio Prope, Mabini, kapwa sa Cebu City; at Alejandra Navarro Elementary School sa Lasang, Davao City.

Source: Abante Online

Nang dahil dito ay nangangamba ako na baka magkatotoo ang mga pangamba ng ilang mambabatas at politiko na kung saan ay magkakaroon ng napakalaking gulo sa halalan at magdedeklara ng failure of election. Siguradong napakasakit sa ulo nito at malaking dagok sa bawat Filipinong patuloy na naghihikahos at nais sanang mabago ang buhay na ang pag-asa ay nakasalalay sa resulta ng eleksyon.

Hay sana nga ay mapatagumpayan at magampanan ng mabuti ng COMELEC ang kanilang tungkulin. Sayang naman kung hindi dahil malaki na rin ang gastos ng gobyerno dito upang mapadali, mapabilis at magkaroon ng matuwid at malinis na halalan. Hay nako ako patuloy pa ring magsusulat ng mga magagandang balita upang ipangalandakan sa bawat tao sa buong mundo kung gano katotoo ang sigaw na “sikat ang pinoy” kahit kailanman, kahit saan!

Posted by sikatangpinoy at 7:49 pm | permalink | Add comment

Go Wesley So sa Aeroflot 2010

February 4, 2010

Grabe talaga tong batang-batang pinoy na GM na si Wesley So! Hamakin mo ba namang katatapos lamang niyang maglaro sa nakaraang Corus 2010 chess tournament e, lalaban na naman siya sa Aeroflot 2010 sa Russia. Mantakin mo nga naman ang sipag ng batang ito na sumikat ng husto sa larangan ng ahedres o chess pagkatapos niyang patumbahin ang mga super star na chess mula sa iba’t ibang bansa.

Talaga namang kahanga hanga ang pinoy na’to na patuloy na nagbibigay inspirasyon sa mga manlalaro ng Pilipinas. Sana nga ay palarin ka at maging bahagi ng kasaysayan na kauna-unahang pinoy na super GM, isang titulo na wala pa ni isa sa mga pinoy na chess player na nakamit. Mabuhay ka So!

Posted by sikatangpinoy at 4:14 pm | permalink | Add comment

Boksing Laban Pinoy versus Mexicano at Puerto Rican - Pinoy Power 3

February 1, 2010

Malapit na Ang Pinoy Power 3! Ito ang nabasa ko sa Sikat Ang Pinoy latest sports news. Ang ikatlong bahagi ng boxing showdown ng pinoy laban sa mga boksingero ng ibang bansa katulad ng Mexico at Puerto Rico. Ang laban ay pangungunahan ng pinoy na kampeon na si Nonito Donaire Jr. at Gerson Guerrero ng Mexico na kung saan ay gaganapin sa Las Vegas sa Pebrero 13 (katorse sa Pilipinas). Ang nasabing laban ay gaganapin bilang pagdepensa ni Donaire sa kanyang titulo na WBA (World Boxing Association) interim super flyweight champion.

Samantala, tatlo pa sa mga pinoy ang magpapakitang gilas. Sila sina Bernabe Concepcion na lalaban kay Mario Santiago ng Puerto Rico, ang beteranong Filipinong kampeon na si Gerry Peñalosa ay susubok maqualify para sa bantamweight title laban kay Eric Morel ng Puerto Rico at si Ciso Morales laban kay Eric Montiel ng Mexico.

Siguradong umaatikabong bakbakan na naman ito ng mga mahuhusay na manlalaban ng mundo. Panonoorin ko ‘to sigurado sa tingin ko mas hihigitan pa ng Pinoy Power 3 ang nakaraan boxing event na’to at talagang sisikat ang pinoy nito ng husto.

Posted by sikatangpinoy at 5:40 pm | permalink | Add comment

Cebu Inmates Dancer Nagpakitang Gilas Ulit

January 26, 2010

Ang sikat na Cebu inmates dancer nagpakitang gilas ulit ng bumisita ang naging choreographer ni Michael Jackson sa Cebu. Tumigil ng dalawang araw si Travis Payne at tinuruan ang mga preso ng sayaw na kung saan ay ipi-feature sa DVD release ng film na “This Is It”. Eto ang nasabing video:

 

Talaga namang nakakabilib ang mga bilanggong ito at siguradong isang napakabisang paraan para magbagong buhay sila. Siguradong lalaganap at sisikat ang video namang ito. 

Update: Ngayon nga ay sobra isang milyon na ang nanood ng nasabing video. Talagang iba si MJ at sikat ang pinoy.

 

Posted by sikatangpinoy at 8:32 pm | permalink | Add comment

Sayang Hindi Nanalo si Viloria!

January 24, 2010

Sayang at hindi naipagtanggol ni Brian Viloria ang kanyang titulo sa IBF light flyweight division pagkatapos siyang tumiklop sa pinakahuling round ng kanyang laban kahapon kay Carlos Tamara. Sayang kasi halos lahat ng round ay sa kanya at kung nakuha niya lamang na matapos ang round ay maaring mag-draw sila subalit talagang puspos ang ginawang suntok ng kanyang kalaban.

Ito ay malaking kabiguan sa RP boxing subalit hindi ito dahilan upang mawalan ng pag-asa ang bansa na bumawi sa susunod niyang laban. Sa kabila ng kanyang kasawian ay wagi naman ang mga undercard na pinoy na lumaban din ng araw ding yon. Wag kang manghina at manglumo Viloria, may iba pang pagkakataon at kaya mong ibangon ang lahing Pinoy. Maging sikat ang pinoy sa darating na panahon at bigyang katuparan ang bawat pangarap ng Filipinong manlalaro sa bansa.

Mabuhay ang mga boksingerong pinoy mula sa SikatAngPinoy.i.ph.

Posted by sikatangpinoy at 8:25 am | permalink | Add comment

Sikat Na Pinoy na si Pacquiao Aarangkada na Laban kay Clottey!

January 21, 2010

Dahil sa kaduwagan at kawalang kakayahang mapatunayan ang kanyang kagalingan sa boksing, si Floyd Mayweather Jr. ay hindi na lalaban kay Manny Pacquiao sa halip ang huli ay nakakita na ng bagong katunggali sa katauhan ni Joshua Clottey. Ang nasabing laban ay tinaguriang “The Event” at gaganapin sa ika-13 ng Marso sa Cowboys Stadium sa Texas. Ang sikat na pinoy na to na si Manny Pacquiao ay ganon pa rin ang ugali na may mababang loob sa kabila ng mga insulto niyang natamo sa mga mag-amang Mayweather. At dahil dito ay mas nadagdagan pa ang paghanga ng mga nakakarami sa kampeon at mas marami namang nainis sa Mayweather na matatas ang bunganga.

Pacquiao kahanga-hanga ka at kami dito sa sikat ang pinoy blog ay naniniwala sa iyong kakayahan at siguradong tatalunin mo si Joshua Clottey. Kung maari nga lamang na pagsabayin mo na ring labanan ang magtatay na Mayweather at patumbahin ay siguradong marami ang papalakpak :)

Mabuhay ka Pacman!

Posted by sikatangpinoy at 9:30 am | permalink | Add comment

Saludo Ako sa LTO Dito Sa’min

January 17, 2010

Noong nakaraang araw ay nag-apply ako additional restrictions ng lisensya sa LTO at ikalawang pagkakataon ko na’to na dumaan sa proseso ng LTO at sa laking gulat ko ay malaki na ang pagbabago nito. Noong una kasi e, kitang kita ang pagkawalan ng order ng pagkuha o pag-renew ng lisensya. Mabagal pa at matagal. Hindi katulad ngayon, ang bilis lang. Kay dali lamang makuha ang plastic na driver’s license - instant! Hindi katulad noong nakaraan na halos anim na buwan o mahigit pa bago makuha ang lisensya.

Kung kaya saludo ako sa LTO dito sa amin, bilang isang pinoy na naghahangad ng kaginhawahan sa proseso, talagang hanga ako. Subalit hindi pa rin nawawala ang mga kokonting diperensya na nakita ko. Maari pa namang ma-aksyonan ng kinauukulan na’to at sana ay maging mas maayos pa ang kanilang serbisyo.

Mabuhay ka at bilang taga-sikat ang pinoy, ipagdadasal ko ang pagsasaayos pa ng mabuti ng LTO.

Posted by sikatangpinoy at 8:47 pm | permalink | Add comment

Makabagong Magsasaka na Walang Kita - Pinoy Style

January 5, 2010

Kilala sa ibang bansa ang Pinas sa pagiging isang agricultural country. Minsan ngang nabilang tayo sa mga nangungunang nagpapalabas ng bigas sa asya (noong hindi pa tayo ang number one na importer ng bigas.) Ngayon naman ay iba naman ang kinawiwilihan ng maraming kabataan (maging matatanda) sa pagsasaka at ito ay ang larong “Farmville” sa Facebook. Oo ito ay makabagong paglalaro na kung saan ay nagsasaka ka para tumaas ang antas ng pamumuhay ng character sa laro. Maraming mga pinoy ngayon ay sadyang nawiwili at nahuhumaling sa ganitong laro. 

Ipinagmamalaki pa nga nila ang napakalaking villa o bahay na nagawa nila dahil sa pagsasaka nila online. At tanong lang ay kung pwede itong i-convert sa pera. Ang sagot, HINDI! Gastos to pero ang katwiran ng iba ay hobby lang. Hobby ba pinoy ang tawag kung ang paglalaro ay halos isang araw na walang tigil at kinakalimutan na ang totoong trabaho? Sa tingin ko HINDI!

Hay naku, bahala na nga kayong maghusga mga Pinoy kong mambabasa.

Posted by sikatangpinoy at 8:23 am | permalink | Add comment

Sikat na Bayaning Pinoy Ngayon

January 3, 2010

Sino-sino ba ang maituturing mong mga bayaning pinoy ngayon na nagbigay kulay at kasikatan sa bansang Pilipinas? Ito ang mga ilan sa mga sikat na pinoy sa iba’t-ibang larangan:

  • Efren Peñaflorida - a kariton teacher na nagbigay inspirasyon sa mga Pilipino sa larangan ng edukasyon at kabayanihan. Siya ang kauna-unahang tao sa buong mundo na bukod tanging pinarangalan bilang CNN Hero of the Year.
  • Manny “Pacman” Pacquiao - a boksingerong patuloy na nagbibigay karangalan sa Pilipinas at nanalong ng pitong boxing title na kauna-unahan sa buong Asya.
  • Charice Pempengco - ang international na mang-aawit na patuloy na namamayagpag sa buong mundo dahil sa kanyang bukod tanging talento sa pag-awit.
  • Muelmar Magallanes - ang bayaning pinoy na nakapagligtas ng higit sa 30 katao ng panahong ng bagyong Ondoy kahit na ang naging kapalit nito ay ang kanyang buhay.

Ilan lamang ito sa mga bayaning pinoy. Ikaw sino ang maituturing mong bayaning Pilipino?

Ang sumusunod na video ay naglalaman ng mga pangalan at larawan ng mga sikat na pinoy sa pinas:

 

Posted by sikatangpinoy at 7:36 pm | permalink | Add comment

Batas Militar ang Aking Reaksyon

December 8, 2009

Alam nyo po ba na ang Batas Militar ay nandidito na naman sa Pilipinas? Opo, pero hindi sa buong bansa kundi sa Maguindanao lamang. Ito ang naging aksyon ng pamahalaan upang maharap ang sitwasyon ng kaguluhan sa probinsya at mabigyang kaagad agad na solusyon ang nangyaring massacre sa Maguindanao. Marami ang nagbigay ng reaksyon tungkol dito, negatibo at positibo. Sa ganang akin ay hindi na po sana nararapat at marahil ay ito ang pinakamadaling paraan subalit hindi po nararapat. Kaya lang andito na yan ang isipin na lang natin ay sana ay hindi na kumalat ang ganitong sistema sa buong bansa.

Ayoko sa batas militar. Katulad siguro ng maraming mga Pilipino. Hindi dahil sa takot sa militar kundi dahil sa pagkawalan ko ng tiwala sa namamahala. Isipin ninyo ngayon pa lamang na hindi pa batas militar ay kaya na nilang mang-abuso ano pa kaya kung ang kapangyarihan ay nasa kanila na? Ayoko ng gulo at gusto ko na ring mahuli ang mga taong responsable sa massacre sa Maguindanao subalit kung ito ang magiging dahilan upang isilang pa ang isang uri ng pag-abuso, wag na lang! Ika nga sa kasabihan, hindi matutuwid ng isang pagkakamali ang isa pang pagkakamali!

Posted by sikatangpinoy at 6:35 am | permalink | Add comment

Kakaibang Pasko sa Pilipinas

December 4, 2009

Alam nyo ba kung ano ang kakaiba sa pasko ng Pilipinas? Marami kung aking ililista. Ito ang mga iilan:

  1. Carolling ng mga bata na may dala-dalang lata.
  2. Simbang gabi
  3. Puto bumbong at Bibingka 
  4. Parol
  5. Noche Buena
  6. Misa de Gallo

Ito ang ilan sa mga bagay na siguradong hahanap-hanapin mo kung sakasakaling mag-aabroad ka at aalis sa ating bansa. Wala ng sing init na pasko katulad nito.

Posted by sikatangpinoy at 6:33 am | permalink | Add comment

Kakaibang Pangyayari sa Mundo ng Pulitika sa Bansa

December 2, 2009

May kakatwang pangyayari sa mundo ng pulitika at kauna-unahan itong nangyari sa kasaysayan ng bansa. Alam nyo ba na ang pinakamataas na lider ng bansa ay tatakbo sa isang mas mababang posisyon? Oo totoo po yan. Ako nga po ay nangingiti lamang sa ganitong pangyayari. Isipin mo hindi na nakuntento sa nakamit na puwesto at ayaw pa ring umalis sa kanyang trono. Anak ng tupang dalaga! Talaga nga kayang nakaka-adik ang kapangyarihan at kahit sino yata ngayon ay ayaw mawalay sa pagkalunod ng inpluwensya. Ang kanyang kababayan ay patuloy sa pagsuporta at hindi tinutulan daw ang ganitong gawain. Hindi naman natin sila masisi kasi dahil marami sa kanila ang nakikinabang.

Ang hindi ko lang maintindihan e kung paano patutunayan ng  komisyon ng eleksyon kung hindi gagamitin ng kandidatong ito ang kanyang kapangyarihan at kaban ng bayan sa kanyang mga balakin. Siguradong hindi mo makikita ang kaibahan ng “official use only” at “personal use” sa mga darating ng araw.

Sa kadahilanang ito, sikat na naman ang Pinoy, hindi dahil sa kadakilaan o pagkabayani, ito ay dahil sa pag-ukit ng bagong kasaysayan na ang babang presidente ay magiging representate na lamang ng isang distrito. Ano kaya ang itatawag sa kanya, Madam President o Congresswoman o marahil kaya, speaker of the house tapos Prime Minister? Hmmm, abangan! :D

Posted by sikatangpinoy at 4:14 pm | permalink | Add comment

Ang Pagsilang ng Simula

November 30, 2009

Araw ng isang bukod tanging kapita-pitagang bayani ng Pilipinas ngayon.  Kaarawan ni Andres Bonifacio at paano ang mga Filipino nagdidiwang sa araw na ito? Meron kang makikitang nagmamartsa papuntang Mendiola at ang iba nakalimutan na ba ang pinaglaban ni Bonifacio? Ako, kung minsan nawawalan na ng pag-asa sa kahihinatnan ng ating bansa. Lugmok na tayo sa kahihiyan at kahirapan ng dahil sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan. Subalit iniisip ko pa rin ang mga pinaglaban ng mga bayani ‘nung una. Hindi sila nawalan ng pag-asa, datapuwat nagbigay pa sila ng inspirasyon at inialay ang kanilang buhay para sa kasarinlan ng bansa.

Kung kaya naisip ko na bumuo ng isang lugar sa internet para maipahayag ko ang akong damdamin sa buong mundo. Nais kung marinig ang aking tinig mula sa aking kina-uupuan ngayon. At ang isa pa ay nais ko ding ipangalandakan sa buong mundo kung paano lumaban ang mga Filipino sa paghihirap at problema. Ibibilang ko din dito ang mga ilang personalidad na nagbibigay pag-asa, karangalan at ginhawa sa mga Pinoy. Kaya ako’y inyong samahang bigyang pugay at patunayang maaring maging sikat ang pinoy.

Mabuhay tayong lahat!

Posted by sikatangpinoy at 1:01 pm | permalink | Add comment

Mainit na Mga Balita

Sikat ang Pinoy!

Sponsored Links

Tungkol Sa'kin

Ako ay isang Pinoy, sa isip, sa salita at sa gawa. Ako ay namulat sa iba't ibang kagawian at paniniwala na sa Pilipinas lamang matatagpuan at mararanasan. Ikinararangal ko ang lahi ko at bayan ko.

Subscribe

Technorati
Bloglines